Dagdag na labing-walong Patient Transport Vehicles (PTVs) ang naipamahagi ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ngayong araw, Hunyo 25, sa 10 mga lalawigan ng Visayas.

Bahagi ito ng patuloy na pagpapalawak ng serbisyong pangkalusugan para sa mga mamamayan alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na ilapit ang mga de-kalidad na serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan sa bawat Pilipino.
Sa ilalim ng Medical Transport Vehicle Donation Program, dalawang PTVs ang ipinagkaloob sa Bohol, Biliran, Southern Leyte, Samar, Eastern Samar, Northern Samar, Negros Oriental at Siquijor at tig-iisang naman para sa Cebu at Leyte.
Kabuuang P38.5 milyon ang halaga nga mga PTV na ipinamahagi ng PCSO kung saan personal na tinggap ng mga gobernador sa nabanggit na mga lalawigan ang mga sasakyan.

Pinangunahan ni PCSO General Manager Melquiades Robles kasama si PCSO chairperson retired judge Felix Reyes ang pag-turn over ng mga sasakyan na isinagawa sa lungsod ng Cebu.
Sa kabuuan, umabot na sa 1,731 PTVs ang naipagkaloob ng PCSO sa local government units ng bansa.
Ayon kay Robles, nagsisimbolo ito sa patuloy na pangako ng PCSO sa pagsasalin ng gaming revenues o mga kita sa paglalaro sa mga programang direktang nakikinabang ang mga Pilipino lalo na sa mga nangangailangan ng suportang medikal at may kaugnayan sa kalusugan.