Photo courtesy of DSWD
Nagpaabot na rin ng tulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga estudyanteng nasugatan matapos ang insidente ng pananaksak sa loob ng isang paaralan sa General Trias, Cavite.
Ayon sa DSWD Field Office CALABARZON, nagtungo ang kanilang mga social worker sa mga tahanan at ospital kung saan nagpapagaling ang mga estudyante upang ihatid ang P10,000 financial assistance sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program.
Matatandaang bago ang pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City, nauna nang naganap ang stabbing incident sa isang paaralan sa General Trias kung saan isang 14-anyos na estudyante ang umano’y nanakit ng pitong Grade 5 learners gamit ang kitchen knife habang nasa loob ng classroom.
Nauna nang tiniyak ng General Trias City Government na sasagutin nito ang mga gastusing medikal ng mga na-ospital na estudyante.
Patuloy din ang pagbibigay ng psychological intervention sa mga menor de edad na naapektuhan ng insidente upang matulungan silang makabangon mula sa naranasang trauma.