Photo courtesy of Philippine National Police
Inirekomenda ng Philippine National Police (PNP) ang mas mahigpit na mga hakbang para tiyakin ang kaligtasan ng mga mag-aaral na lumalahok sa mga school camp, training program, at iba pang extra-curricular activities.
Kasunod ito ng nakatakdang pagtatapos ng imbestigasyon sa pagkamatay ng dalawang student athletes ng Ateneo de Manila University na sina Rene Baterbonia at Divine Adili sa kanilang team building sa Dipaculao, Aurora.
Ayon kay PNP Chief, Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., ipinakikita ng nasabing trahedya ang pangangailangang isaalang-alang ang kapakanan ng mga estudyante bilang pangunahing konsiderasyon sa lahat ng aktibidad.
Pinaiigting din ng PNP ang proteksyon sa mga estudyante at tiyaking isinasagawa ng ligtas at may pananagutan ang mga aktibidad sa paaralan, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Nauna nang ibinunyag ni Nartatez na tinitingnan ng mga imbestigador ang posibleng pananagutan ng humigit-kumulang 10 hanggang 11 indibidwal, na karamihan ay may kaugnayan sa basketball program ng unibersidad.