Sa pamamagitan ng isang ‘tip’, napigilan ng mga awtoridad ang isa na naman sanang mass shooting sa lalawigan ng Leyte. Ito ang iniulat ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla sa pulong balitaan sa Kampo Crame ngayong araw.
Ayon sa Kalihim, nakatanggap sila ng ‘tip’ mula kay Sen. Bam Aquino sa posibleng shooting spree sa Tolosa National High School na kinasasangkutan ng 14-anyos na babae.
Sinabi ni Remulla na agad bineripika ng pulisya ang naturang impormasyon at nakumpirma nilang positibo ito.
Nabatid na gumagamit ng multiple social media account ang babaeng nagtangkang mamaril sa loob ng kanilang eskwelahan at napag-alamang mayroon itong problemang personal at sa pamilya.
Lumalabas din aniya sa paunang impormasyon na naglalaro ito ng ‘Gorebox’ na siyang hinihinalang nag-uudyok sa mga kabataan upang gumawa ng karahasan.
Dinala agad sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang babae at pagkatapos makapanayam ay ibinalik din sa kaniyang pamilya dahil wala namang nagawang krimen.
Kaya naman, nanawagan si Remulla sa mga mambabatas na bumalangkas ng bagong batas na magtatakda ng pangangalaga ng baril gayundin ay repasuhin ang Implementing Rules and Regulations (IRR) sa gun ownership.
Sinabi rin ng Kalihim na dapat permanente nang i-ban ang ‘Gorebox’ sa bansa na isang marahas na online game.