Maliban sa nai-turn over na Patient Transport Vehicles (PTVs), ipinamahagi din ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ngayong araw, Hunyo 25, ang shares ng ilang local government units (LGUs) ng Visayas mula sa lotto revenues para sa buwan ng Hulyo hanggang Disyembre sa nakaraang taon.
Mahigit P5.5 milyong piso ang shares na ipinagkaloob ng PCSO para sa isang lungsod at anim na mga lalawigan. Alinsunod ito sa Executive Order No. 357-A, na nagbibigay sa mga lokal na pamahalaan ng bahagi ng kita ng PCSO Lotto.
Personal na ipinamahagi ni PCSO General Manager Melquiades Robles ang tseke sa mga opisyal kasama si PCSO chairperson retired judge Felix Reyes na isinagawa sa lungsod ng Cebu.
Ang nakatanggap ng pinakamalaking share ay ang Cebu City Government sa pamamagitan ni Mayor Nestor Archival, na umabot sa P2.1 milyon.Tinatanggap ni Gov. Pamela Baricuatro ang tseke na nagkakahalaga ng P694,180.45 para sa Cebu, habang P276,825.94 ang tinanggap ni Gov. Ralph Vincent Evardone para sa Eastern Samar.
Mahigit P1 milyon naman para sa Leyte, samantala P986,794.95 ang tinanggap ni Gov. Harris Ongchuan para sa Northern Samar.
Umabot naman sa P253,414.53 ang halaga ng tseke na tinanggap ng representante ni Gov. Manuel Sagarbarria para sa Negros Oriental at P53,737.56 ang natanggap na tseke ni Gov. Jake Vincent Villa para sa Siquijor.
Ang natanggap na shares ng mga LGU ay gagamitin sa pagpapatupad ng mga programa, proyekto at inisyatiba na mapakikinabangan ng kanilang mga mamamayan.

