Arestado ng pinagsanib na puwersa ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), Philippine National Police (PNP) at Bureau of Immigration (BI) ang isang mataas na opisyal ng Japanese criminal syndicate na “Luffy Group”.
Ito ang inanunsiyo ni PAOCC Executive Director, Usec. Benjamin Acorda Jr. kasunod ng ikinasa nilang operasyon sa Makati City, noong June 23.
Sa pulong balitaan sa Kampo Crame ngayong araw, kinilala ni Acorda ang suspek na si Hideharu Inoue, isang Japanese national na matagal nang wanted sa Japan dahil sa kasong pagnanakaw.
Lumitaw sa imbestigasyon na pinamumunuan ni Ioue ang “Luffy Group” na sangkot sa malawakang fraud o panloloko sa iba’t ibang panig ng bansa.
Modus ng grupo ang pagpapanggap bilang mga opisyal ng gobyerno ng Japan upang makuha ang tiwala ng mga biktimang Hapones.
Kapag nakapasok na sa bahay, palihim nilang pinapalitan ang ATM cards ng mga biktima at ginagamit ito upang makapag-withdraw ng pera mula sa kanilang mga bank account.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Bureau of Immigration (BI) ang suspek habang isinasailalim sa deportation proceedings.
Kasunod nito, binalaan ni Acorda ang iba pang banyagang may kaso sa kanilang bansa at nagtatago rito sa Pilipinas na hindi sila makatatakas sa kamay ng batas.