Malaki ang papel ng kahirapan, kawalan ng gabay o guidance, at maging ang tinamong trauma ng isang bata, sa posibilidad na masangkot ito sa isang iligal na aktibidad.
Pahayag ito ni Council for the Welfare of Children (CWC) Usec. Angelo Tapales sa gitna ng mga diskusyon na ibaba pa ang edad para sa criminal liability sa bansa, kasunod ng mga krimen na kinasasangkutan ng mga kabataan.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ng opisyal na ilan lamang sa mga dahilan o drivers kaya’t nakagagawa ng paglabag sa batas ang isang bata ay ang kawalan ng tamang paggabay mula sa magulang, hindi nakakuha ng tamang edukasyon o nag-drop out sa paaralan, kawalan ng suporta mula sa pamilya, at kahirapan.
“Napakalaki po niyan ano, batay din po sa pag-aaral ng Juvenile Justice Welfare Council, ang mga causes or drivers sa pag-commit ng mga offenses ng mga bata, tama ka, number one, poverty, pagpapabaya ng magulang, hindi pag-aaral o iyong pag-drop out sa eskuwelahan dahil hindi na sila nabibigyan ng tamang mga aral at turo, at saka iyong lack of family support ano.” — Tapales.
Ito aniya ang dahilan kung bakit hindi dapat agad na manghusga o hindi dapat maging mabilis sa panghuhusga sa mga batang nakakagawa ng krimen.
“Kaya while a lot of people are really angry, emotional, ang sinasabi natin dito before we condemn children, of course, the easiest thing to do is talagang sabihin, sinasabi noong iba talagang ipapakulong na lang natin silang lahat. But ang tanong namin kasi is that the right thing to do, given that there are many drivers na nagtutulak sa mga bata para gumawa ng mga krimen. At unang-una na diyan iyong kahirapan na talagang tinututukan ng ating pamahalaan. Kaya sabi ko let’s not quick to judge, let’s avoid knee-jerk reaction.” — Tapales.
Upang masolusyunan ang problema, dapat aniya ay tukuyin kung ano ang pinagmulan o dapat na maitama, at dapat din na tamang tanong ang hinahanapan ng solusyon.
Kabilang dito, kung ano ba ang nagtutulak sa mga bata na makagawa ng krimen, at kung ano ang dapat gawin upang matulungan ang mga ito.
“To solve this problem, we really have to be asking the right questions. Ano po ba ang nagtutulak sa mga bata na gumawa ng krimen? At kapag nalaman po natin iyan, how do we solve it and how do we help children? But of course under the Juvenile Justice Welfare Act po, may pananagutan po iyong naka-daños po na bata, iyong nakasakit po na bata.” — Tapales.