Photo courtesy of Land Transportation Office
Pinuna ng Land Transportation Office (LTO) ang viral vlog na “birthday hulidap prank” matapos itong gawin habang nasa loob ng pampasaherong sasakyan na bumibiyahe sa kalsada.
Matapos makita ng ahensya ang video na in-upload sa Facebook page na “Da Siblings and Da Siblings 2.0,” agad na ipinag-utos ni LTO Chief Assistant Secretary Markus V. Lacanilao ang imbestigasyon para matukoy ang posibleng paglabag sa batas trapiko.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, natukoy ang taxi na ginamit sa naturang video at kita rin na may partisipasyon ang driver sa paggawa ng naturang prank content.
Dahil dito, nag-isyu ang LTO ng subpoena sa rehistradong may-ari ng taxi at sa itinalagang driver para humarap sa tanggapan ng ahensya at magbigay ng paliwanag kaugnay ng pagkakasangkot sa viral na video.
Giit ni Asec. Lacanilao, hindi dapat gawing content o libangan ang mga sitwasyong may kaugnayan sa krimen dahil maaari itong magdulot ng takot at pangamba sa publiko.