Walang tigil pa rin ang pagpapaabot ng tulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga residenteng patuloy na apektado ng malakas na lindol sa Mindanao.
Ayon sa DSWD, aabot na sa ₱451 milyon ang halaga ng humanitarian assistance na nailaan nito sa mga apektadong pamilya.
Kasama na rito ang nasa 612,000 family food packs, 17,000 non-food items, at higit 13,000 ready-to-eat food (RTEF) boxes sa libo-libong pamilyang mula sa Zamboanga Peninsula, Davao Region, SOCCSKSARGEN, at BARMM.
Tuloy-tuloy na rin ang pagbibigay ng emergency cash transfer na ₱5,175 para sa mga pamilyang may partially-damaged houses at ₱10,350 para sa mga pamilyang may totally-damaged houses.
Nananatili namang available ang nasa higit ₱5 bilyon pang pondo ng DSWD para umagapay sa mga apektado ng kalamidad.