Nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na posibleng bumagsak sa critical low level na 160 metro ang antas ng tubig sa Angat Dam sa mga susunod na araw o bago matapos ang buwang ito.
Nitong Miyerkules ng alas-8 ng umaga, naitala ang water level ng dam sa 163.51 metro. Ayon sa mga hydrologist, patuloy itong bumababa ng average na kalahating metro kada araw dahil sa kakulangan ng ulan na mas mababa sa inaasahang forecast.
Mula June 1 hanggang 22, nakapagtala lamang ang weather bureau ng 127 milimetro ng ulan—malaking kabawasan kumpara sa inaasahang 280 milimetro para sa buwan.
Ang Angat Dam ang nagsusuplay ng halos 98 porsyento ng maiinom na tubig sa Metro Manila sa pamamagitan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS). Ang normal na high water level nito ay nasa 210 metro.
Ayon kay Jofren Habaluyas ng PAGASA, dahil sa patuloy na pag-unti ng tubig sa dam, posibleng makaranas ng kakulangan sa suplay ng tubig ang malaking bahagi ng rehiyon.
Gayunpaman, tiniyak ni Habaluyas na may mga hakbang at interbensyon na ang pamahalaan para tugunan ang sitwasyon.
“Nagkaroon na ng zero allocation para sa irigasyon simula pa noong mga huling linggo ng Mayo upang masentro ang tubig para sa domestic supply o pambahay na konsumo,” pahayag ni Habaluyas.
Sa kabila nito, nagbigay ng positibong abiso ang PAGASA at sinabing inaasahang dadalas at lalakas ang mga pag-ulan sa ikalawa o ikatlong linggo ng Hulyo dahil sa hanging Habagat.
Sa pagtaya ng ahensya, makatutulong ang mga ulan na ito upang muling umakyat at makabawi ang reservoir patunong 176.33 metro sa darating na Hulyo 31.