Makabibili ng ₱20 kada kilo ng bigas ang mga residente sa lungsod ng Lapu-Lapu, Cebu sa Kadiwa sa City Hall ngayong araw, Hunyo 25. Ang inisyatibang ito ay bahagi ng pagsisikap ng lokal na pamahalaan na ilapit ang murang bigas sa mga Oponganon.
Magsisimula ang pagbebenta ng bigas alas 8:00 ngayong umaga.
Aabot sa 117 sakong bigas ang nakalaan para sa Kadiwa kung saan ang bawat tao ay maaaring makabili ng hanggang 10 kilo.
Limitado sa 10 kilo ang pagbili ng naturang bigas para mas maraming Oponganon ang makikinabang, lalo na ang nasa vulnerable sectors, mga manggagawang nawalan ng trabaho at mga mahihirap.
Patuloy din ang pagbebenta ng nasabing bigas sa mga barangay depende sa schedule gayundin sa City Auditorium Court 1 tuwing Lunes hanggang Biyernes.
Sinisikap ng lokal na pamahalaan ng Lapu-Lapu na mapanatili ang programang ito, kaya nag-subsidize ito at nakipag-partner sa Food Terminal Inc. para laging may mabibiling murang bigas ang bawat Oponganon.
📸 Lapu-Lapu City Information Office