Naaresto ng Bureau of Immigration Fugitive Search Unit ang South Korean national na si Gim Sihun, 31-anyos, na tumakas sa isang sub-provincial jail sa Abuyog, Leyte noong 2023.
Ayon kay Bureau of Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, nadakip si Gim noong June 18 sa Mandaluyong City sa isinagawang operasyon ng BI katuwang ang Presidential Anti-Organized Crime Commission at Philippine National Police Intelligence Group.
May umiiral na Warrant of Arrest si Gim mula sa Seoul Central District Court dahil sa kasong fraud at kabilang din siya sa mga Most Wanted na Korean escapees. Mayroon din siyang Summary Deportation Order na inilabas noong 2020 bilang isang undesirable alien.
Kasalukuyang nasa BI holding facility ang dayuhan habang inihahanda ang kanyang deportasyon pabalik sa South Korea.