Ipinatupad ng Eastern Police District (EPD) ang kanilang Comprehensive Security Operations para tiyakin ang maayos at mapayapa na pagdaraos ng White Ribbon March, sa EDSA People Power Monument sa June 28.
Kasunod niyan, sinabi ni EPD Director, PBGen. Melecio Buslig Jr. na magde-deploy na rin sila ng sapat na mga tauhan sa paligid ng EDSA Shrine para magsilbing Civil Disturbance Management contingents.
Mayroon din aniyang Standby Reactionary Support Force (RSSF) mula sa mga himpilan ng Pasig, Mandaluyong, Marikina, at San Juan (PaMaMariSan) para umalalay sakaling kailanganin.
Nakikipag-ugnayan na rin sila sa iba’t ibang lokal na pamahalaan sa kanilang nasasakupan at force multipliers, para masiguro ang maayos na daloy ng trapiko at hindi mabalam ang mas nakararami sa gagawing aktibidad.
Bagaman mahigpit na ipatutupad ang “maximum tolerance” bilang pagkilala sa malayang pamamahayag, umapela ang EPD sa mga organizer na bantayan ang kanilang hanay at huwag hayaang mapasukan ng mga magtatangkang manggulo.
Ayon naman sa National Capital Region Police Office (NCRPO), aabot sa mahigit 9,500 na mga pulis ang ipakakalat sa buong NCR para magbantay sa ano mang aktibidad na isasagawa bukod sa People Power Monument.