Photo courtesy of Philippine National Police
Nananatiling maingat ang Philippine National Police (PNP) sa pagbibigay ng konklusyon tungkol sa mga sanhi ng marahas na pag-uugali ng mga kabataan.
Ito’y sa gitna na rin ng sunod-sunod na insidente ng karahasan sa iba’t ibang panig ng bansa na pawang kinasasangkutan ng mga kabataan, partikular na ng mga menor-de-edad.
Pero ayon kay PNP Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., kinikilala nila ang pangamba ng ilan na maaaring mag-ambag ang video games sa panggagaya (copycat behavior) ng mga kabataang madaling maimpluwensyahan.
Kaya naman suportado nila ang pagrepaso sa mga batas na sumasaklaw sa mararahas na video games na mabilis ma-access ng mga kabataan online.
Ayon kay Nartatez, kinikilala nila ang pangangailangang suriin ang posibleng epekto ng mararahas na video games sa mga bata at kabataan kasunod ng nangyaring pamamaril sa isang eskwelahan na lubos na ikinabahala ng publiko.
Paiigtingin aniya nila ang mga hakbang para protektahan ang mga bata at isulong ang responsableng paggamit ng mga digital na tekonolohiya alinsunod na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Binigyang diin ng PNP Chief, na dapat nakabatay ang pag-aaral sa mga ebidensya at kailangan ng masusing pagsusuri ng Kongreso at iba pang kinauukulang ahensya kung dapat bang ipagbawal o hindi ang mga ganitong klase ng laro.