Nagpasalamat si Quezon City Mayor Joy Belmonte kay First Lady Liza Araneta-Marcos sa muling pagbisita nito sa lungsod para mamahagi ng libreng bigas sa mga nangangailangang residente.
Bahagi ito ng “Mula sa Puso para sa Pamilya” rice distribution initiative na layong makatulong para matiyak na may sapat na pagkain sa hapag ang mga pamilya.
Ngayong araw, binisita ng unang ginang ang mga residente ng Brgy. Gulod sa Novaliches kung saan namahagi siya ng tig-10 kilo ng bigas sa mga benepisyaryo.
Tinatayang 1,500 residente kabilang ang senior citizens, PWDs, solo parents, at iba pang nasa vulnerable sector ang nakatanggap ng tulong.
Kabilang dito si Nanay Cecilia, isang senior citizen na labis ang saya matapos malaman na makatatanggap sila ng libreng bigas ng apat na beses ngayong taon.
Pinondohan ang programa sa ilalim ng Local Government Support Fund, habang ang mga ipinamahaging bigas ay binili rin mula sa mga lokal na magsasaka.
Sa kabuuan, mahigit 210,000 benepisyaryo sa Quezon City ang makatatanggap ng libreng bigas sa ilalim ng programa.