Pinapahusay ng National Food Authority (NFA) ang grain quality testing system nito sa ilalim ng ₱184.2 milyong modernisasyon na suportado ng Japan sa pamamagitan ng JICA.
Layunin ng programang tatagal hanggang 2028 na i-upgrade ang Product Quality Evaluation System o PQuEST upang mapabuti ang pagsusuri sa kalidad ng bigas at mais.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., mahalaga ang kalidad ng ani upang matiyak ang food security mula sa sakahan hanggang sa pamilihan.
Kabilang sa proyekto ang pag-upgrade ng mga laboratoryo ng NFA, pagbili ng modernong testing equipment, at pagbuo ng mga bagong pamantayan at manuals.
Kasama rin ang pagsasanay ng mga tauhan sa Pilipinas, Japan, at Thailand upang higit pang mapahusay ang grain testing.
Ayon pa sa kalihim, inaasahang magpapahusay ang proyekto sa postharvest system at magbibigay ng mas de-kalidad na bigas at mais para sa mga Pilipino.