Ipauubaya na ng House prosecution panel sa Senate impeachment court ang pagpapasya sa mga kondisyong inilatag ng kampo ni VP Sara Duterte hinggil sa pagbubukas ng selyadong kahon mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR).
Ayon kay Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr., legal spokesperson at kabilang sa private prosecution panel, upang maiwasan ang anumang pagkaantala sa proseso ng impeachment trial, hahayaan na lamang nilang magpasya ang mga senator-judges.
Matatandaang nagbago ang ihip ng hangin matapos pormal na maghain ng dokumento ang depensa na pumapayag nang buksan, i-inventory, at markahan ang naturang kahon isang hakbang na una nilang mariing tinutulan noong nakaraang Huwebes.
Gayunpaman, hiniling ng kampo ng Bise Presidente na isagawa ang proseso sa isang executive session o saradong pagdinig, at manatiling kumpidensiyal sa publiko ang mga nilalaman nito.
Bagama’t may mga ganitong hirit, ikinalugod pa rin ni Tolosa ang naging pagbaligtad ng depensa at tinawag niya itong isang positibong hakbang patungo sa transparency.