“Sa natitirang panahon ko bilang pangulo, ang talagang maging priority ko ang education, para pagandahin ang education system…”
Bahagi ito ng mensahe ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sa kaniyang pag-uusap sa mga presidential scholar sa bayan ng Maimbung, Sulu.
Makikita ito aniya sa mga proyekto ng pamahalaan kabilang na ang pagpapatayo ng mga silid-aralan at pagkabit ng internet connectivity kahit pa sa liblib na lugar sa bansa.
Limang iskolar sa kada barangay ang makatatanggap ng P20,000, ito ani Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ang mga estudyante na malapit ng magtapos ng kanilang pag-aaral nila.
“Para sa akin ito ang pinakamahalaga na maibibigay ng pamahalaan para sa ating mga kabataan,” bahagi ng mensahe ng Pangulo sa mga presidential scholar sa Maimbung, Sulu ngayong araw.
Dagdag pa ni PBBM, ang edukasyon ay hindi pribilehiyo kundi karapatan ng bawat kabataang Pilipino, kaya naman mahalaga aniya na masanay ang mga kabataan para sa kanilang sarili at higit sa lahat para sakanilang pamilya.
“Darating ang oras kayo na mga kabataan, kayo na ang lider ng Pilipinas, hindi lang sa gobyerno, sa negosyo, sa lahat ng sektor, kayo na ang hahanapin ng ating kababayan na tumulong at magserbisyo…dapat handang handa na kayo…”
Hinikayat ni PBBM ang bawat iskolar na pakinabangan nang mabuti ang pagkakataon na ito, sapagkat, diin ng Pangulo, kahit ano pa ang mangyari hinding-hindi makukuha at mananakaw ng iba ang kanilang karunungan.
Sa huli, mensahe ng Pangulo sa mga iskolar “Magkikita tayo muli ‘pag may hawak na kayong mga diploma.”
Sa 42,000 barangay sa buong Pilipinas, kabilang ang mga iskolar sa Sulu na nabigyan ng assistance sa unang taon ng programang ito ng pamahalaan sa ilalim ng pamumuno ni PBBM. Target ng inisyatibong ito na matulungan ang mahigit 210,000 Presidential Scholars sa buong bansa.