Walang pagsidlan ng tuwa ang mga senior citizen na nakatanggap ng tig-10 kilo ng bigas buhat sa pamahalaan sa ilalim ng programang “Sa Bagong Pilipinas, Bawat Bayan Makikinabang” sa FilOil EcoOil Center sa Lungsod ng San Juan ngayong araw, June 29, 2026.
Ayon sa mga nakapanayam ng Radyo Pilipinas, malaking bagay para sa kanila ang ganitong mga programa upang matugunan ang kanilang pang-araw araw na pagkain.
Nagpapasalamat sila kina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at First Lady Liza Araneta-Marcos sa kanilang inisyatiba na ipamahagi ang libreng bigas katuwang ang mga lokal na pamahalaan.
Ayon sa 67-anyos na volunteer health worker na si Ginang Emma Marquez, hangad nilang magtuloy-tuloy ang mga programa na direkta sa sikmura ng mga mahihirap na Pilipino.
Kanina, pinangunahan ng Unang Ginang ang pamamahagi ng bigas kasama si San Juan City Mayor Francis Zamora para sa 4,400 na mga benepisyaryong senior citizen.
Nabatid na nasa kabuuang 8,989 na mga senior citizen sa lungsod ang benepisyaryo na ang mga pangalan ay buhat sa listahang isinumite ng Association of Senior Citizen sa bawat barangay.