Binigyang-diin ni dating Albay Representative Joey Salceda na legasiya ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagpapatayo ng mas maraming dam kumpara sa sinumang pangulo ng bansa mula noong 1986.
Ginawa ni Salceda ang pahayag kasunod ng inagurasyon ng Antong Dam at Irrigation System sa Sultan Kudarat na pinangunahan ng Pangulo kasama si National Irrigation Administration (NIA) Administrator Eddie Guillen.
Ayon kay Salceda, napakahalaga ng mga proyektong ito dahil ang dam ay hindi lamang para sa irigasyon, kundi nagsisilbi ring flood control, imbakan ng tubig, proteksyon laban sa tagtuyot, seguridad sa pagkain, at pinagkukunan ng kuryente.
Inihalimbawa din niya ang Jalaur Dam na pinakikinabangan ng tinatayang 25,000 magsasaka at itinuturing na pinakamalaking proyekto ng NIA sa labas ng Luzon sa loob ng mahigit 40 taon.
Paliwanag ni Salceda, matagal na panahong itinigil ng bansa ang pagtatayo ng mga ganitong uri ng imprastraktura at nakatutok nalang sa pagtatayo ng mga kalsada, flyover, at mga gusali,
Gayunpaman, binigyang-diin ni Salceda na ang susunod na hakbang ay tiyaking hindi masasayang ang enerhiyang nagmumula rito.
Nanawagan si Salceda sa Department of Energy (DOE) na pag-aralan ang hydropower generation sa mga maliliit na dam.
Idinagdag pa ni Salceda na kung hindi malinaw ang batas, handa ang Kongreso na amyendahan ito upang matiyak na kapag nagtayo ang gobyerno ng dam para sa tubig, ay kaya nitong makagawa ng kuryente.