Sineseryoso ng Philippine National Police (PNP) ang lahat ng uri ng banta, lalo na kung nalalagay sa alanganin ang seguridad at kaligtasan ng publiko.
Ito ang tugon ng PNP kasunod ng panibagong banta ng pamamaril sa isang paaralan sa Batangas City sa pamamagitan ng isang post sa social media.
Sa pulong-balitaan sa Kampo Crame ngayong araw, sinabi ni PNP Acting Spokesperson PCol. Allen Rae Co na tinutunton na nila ang pagkakakilanlan ng nagpadala ng pagbabanta sa Facebook page ng naturang paaralan.
Batay sa ulat ng Batangas Provincial Police Office (BPPO) sa Kampo Crame, 10:00 PM kagabi nang mabasa ng isang school adviser ang naturang mensahe.
Nakasaad sa post ang banta ng nagpadala na sasaksakin at babarilin ang mga estudyante sa Grade 7, Grade 8, Grade 9, at Grade 10 dahil umano sa ginagawang pambubully sa kanya.
Dahil dito, agad na nakipag-ugnayan ang pulisya sa pamunuan ng Batangas City Integrated National High School upang beripikahin ang ulat at magsagawa ng threat assessment.
Iniimbestigahan na rin ng PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) ang insidente upang matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante, guro, at iba pang kawani ng paaralan.
Nauna nang isinuspinde ng Schools Division Office ng Department of Education (DepEd) sa Batangas ang mga klase sa nasabing paaralan bilang pag-iingat kasunod ng natanggap na banta.