Photos courtesy of Armed Forces of the Philippines
Naging matagumpay ang isinagawang sabayang paglalayag ng mga barko ng Pilipnas at Amerika sa panibagong yugto ng Maritime Cooperative Activity (MCA) sa West Philippine Sea.
Kabilang sa mga lumahok ang BRP Antonio Luna ng Philippine Navy, BRP Melchora Aquino at BRP Capones ng Philippine Coast Guard (PCG) gayundin ang mga barko ng US Coast Guard na USCGC Emlen Tunnel at USCGC Charles Moulthrope.
Ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP) layon nito na paigtingin pa ang interoperability ng bawat kaalyadong bansa partikular na sa pagpapatrolya sa mga teritoryo ng Pilipinas sa nasabing karagatan.
Kasunod nito, kinumpirma ng Philippine Navy ang presensya ng apat na barko ng China na kinabibilangan ng isang barko ng People’s Liberation Army-Navy at tatlong barko ng China Coast Guard na tinatayang nasa layong 50 nautical miles mula sa exercise box.
Ayon sa Commander ng BRP Antonio Luna na si Capt. Jennifer Monforte, namamataan na nila mula pa noong Sabado ang mga barko ng China na tila nagmamanman sa ginagawang aktibidad.
Gayunman, hindi na ito bago ayon kay Monforte dahil palaging umaaligid ang mga barko ng China sa tuwing magsasagawa sila ng pagpapatrulya at hindi naman ito naka-apekto sa katatapos pa lamang na aktibidad.