Magsisimula na ang konstruksyon ng kauna-unahang National Cyber Security Center ng Department of Information and Communications Technology (DICT) sa Valenzuela City.
Kasunod ito ng isinagawang groundbreaking ceremony ngayong araw sa pangunguna ni DICT Secretary Henry R. Aguda, South Korean Ambassador to the Philippines Lee Sang-Hwa, KOICA Headquarters Vice President Lee Yun Young, at Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian.
Itatayo ang modernong cyber security infrastructure sa pamamagitan ng US$25-million grant mula sa KOICA para mapalakas ang cyber defense capabilities ng bansa.
Ayon kay South Korean Amb Lee Sang-Hwa, ang proyekto ang pinakamalaking single project ng KOICA sa Pilipinas at bahagi ito ng mas pinalakas na partnership ng dalawang bansa para sa digital transformation at paggamit ng artificial intelligence.
Binigyang-diin naman ni DICT Sec. Henry Aguda, na malaking tulong ang National Cyber Security Center sa pagtugon sa lumalaking cyber threats, kabilang ang online scams at mga kaso ng online sexual abuse and exploitation of children.
Umaasa si Aguda na makukumpleto ang proyekto sa loob ng dalawang taon bago matapos ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Plano naman ng Valenzuela City Government na ilapit ang kanilang ICT Academy sa naturang proyekto para makatulong sa paghubog ng mas maraming ICT professionals sa bansa.