Mariing itinanggi ni Senadora Risa Hontiveros ang kumakalat na impormasyong inirekomenda niyang ipagbawal ang video game na Gorebox, kasunod ng mga ulat na nag-uugnay dito sa karahasang kinasasangkutan ng ilang kabataan.
Ayon kay Hontiveros, wala pang inilalabas na rekomendasyon o findings ang Senate Committee on Women, na kanyang pinamumunuan, dahil isasagawa pa lang nila ang pagdinig tungkol sa isyu bukas.
Binigyang-diin ng senadora na ang pangunahing layunin ng gagawin nilang pagdinig ay matukoy ang mga maaaring nag-ambag sa insidente ng pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban city, lalo na’t may mga nasawi, mga batang nasugatan, at mga pamilyang naulila.
Kabilang sa mga inimbitahan sa pagdinig ang mga magulang ng mga biktima, kamag-anak ng isa sa mga suspek, Department of Education (DepEd), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Globe, Smart, Game Developers Association of the Philippines, Philippine National Police (PNP) Tacloban, at iba pang ahensya at sektor.
Ayon sa senadora, nais din sana nilang marinig ang panig ng developer ng Gorebox pero una na itong tumangging dumalo sa senate hearing.
Ipinaliwanag ni senator risa na may mga ulat na ginagamit ng ilang “malign actors” ang mga online game para makipagkaibigan sa mga batang manlalaro at ilipat ang komunikasyon sa ibang platform gaya ng Messenger, kung saan sinasabing nagaganap ang panghihikayat o grooming tungo sa karahasan.
Gayunpaman, sinabi ni Hontiveros na kahit hindi dumalo ang developer ng naturang online game, inaasahan pa rin nilang makakalap ng mahahalagang impormasyon mula sa iba pang resource persons para makabuo ng mga hakbang para maprotektahan ang mga bata, kapwa sa online at offline environment, kabilang ang mga paaralan. | ulat ni Nimfa Asuncion