Iginiit ni Senador Ping Lacson na kahit maging state witness si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan sa imbestigasyon kaugnay ng umano’y anomalya sa mga flood control project, nararapat pa rin itong magsauli ng bilyon-bilyong pisong pondo ng gobyerno na nawala dahil sa katiwalian.
Ayon kay Lacson, maraming maaaring isiwalat si Bonoan, kabilang ang umano’y mga iregularidad sa flood control at iba pang mga proyektong pang-imprastraktura, gayundin ang alegasyon na humingi umano ito ng ₱500 milyon kapalit ng kanyang kumpirmasyon sa Commission on Appointments (CA) bilang DPWH secretary noong Nobyembre 2022.
Gayunpaman, iginiit ng senador, na dating chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, na dapat pa ring panagutin si Bonoan at obligahing isauli ang mga pondong nawala.
Aniya, dapat isaalang-alang ang mga naunang testimonya sa Senate Blue Ribbon Committee, kabilang ang salaysay ni dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo na nagsabing humawak siya ng hindi bababa sa ₱5 bilyon na halaga ng mga proyektong nakalaan umano para kay Bonoan bawat taon mula 2023 hanggang 2025, na may average na 15% commitment.
Binanggit din ni Lacson ang testimonya ni dating Bulacan District Engineer Henry Alcantara tungkol sa umano’y 2% standard operating procedure (SOP) sa mga proyekto. Ayon sa senador, batay sa mga naunang testimonya, hindi bababa sa ₱1 bilyon ang dapat na maging batayan sa restitution, o pagbabalik ng pondong nawala.