Senate of the Philippines
Iginiit ni Senador Rodante Marcoleta na planado ang mga hakbang na isinasagawa laban sa kanya at may layunin umanong pigilan siyang mailahad ang kanyang mga alegasyon at makalahok sa nalalapit na impeachment proceedings.
Ang pahayag na ito ay kasunod ng nakaambang pagsasampa ng Ombudsman ng kasong plunder laban sa kanya sa Sandiganbayan.
Sa inilabas niyang pahayag, sinabi ni Marcoleta na naniniwala siyang may kaugnayan ang mga pangyayaring ito sa mga naunang pahayag ni Senador Ping Lacson tungkol sa posibilidad na may iba pang mga senador na maharap sa kaso, kasunod nina Senador Jinggoy Estrada at Senador Ronald “Bato” dela Rosa.
Aniya, nagpapakita umano ito na planado ang mga hakbang laban sa kanya.
Samantala, pinabulaanan naman ni Lacson ang pahayag ni Marcoleta na may kaugnayan ang kinahaharap nitong kasong plunder sa nalalapit na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Tinawag ni Lacson na “gaslighting” ang pahayag ni Marcoleta at iginiit na mali ang interpretasyon nito sa kanyang naunang pahayag tungkol sa posibilidad na siyam na senador ang maaaring makulong.
Ipinaliwanag ng senador na ang kanyang binanggit noon ay isang hypothetical na sitwasyon lamang kaugnay ng kinakailangang two-thirds vote ng lahat ng senador sa impeachment trial. Nauna nang sinabi ni Lacson sa isang panayam noong June 18 na maaaring kailanganing manghimasok ang Korte Suprema kung sakaling mabawasan ang bilang ng mga senator-judges dahil sa pagkakakulong o pagkakasuspinde ng ilan sa kanila.