Photo courtesy of Department of Tourism Region 1
Opisyal na sinalubong ng Department of Tourism (DOT) Region I ang kauna-unahang port call sa Pilipinas ng cruise vessel na MS Island Sky o Noble Caledonia, bilang bahagi ng pagpapakita ng mga pangunahing destinasyon, kultura, at hospitality ng Ilocos Region.
Nagsimula ang paglalayag sa Salomague Port sa Cabugao, Ilocos Sur matapos dumating ang barko mula Kaohsiung, Taiwan. Tinanggap ang mga bisita sa pamamagitan ng welcome ceremony at cultural performances na inihanda ng Pamahalaang Panlalawigan ng Ilocos Sur.
Kabuuang 84 na pasahero ang lumahok sa shore excursion patungong makasaysayang Lungsod ng Vigan upang maranasan ang kasaysayan at kultura ng rehiyon. Isinagawa rin ang plaque exchange sa pagitan ng DOT, kinatawan ng MS Island Sky, lokal na pamahalaan ng Ilocos Sur, at Municipal Tourism Office ng Cabugao.
Nagpatuloy ang biyahe sa Hundred Islands National Park sa Alaminos City, Pangasinan kung saan dumating ang cruise alas-8:30 ng umaga at umalis alas-12 ng tanghali. Umabot sa 86 na pasahero ang sumali sa island-hopping, snorkeling, at pagtikim ng lokal na pagkain.
Ayon sa DOT Region I, ipinapakita ng matagumpay na maiden port calls ang lumalakas na pagkilala sa Ilocos Region bilang pangunahing cruise tourism destination sa bansa.