Ibinahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office 1 – Ilocos Region na mula sa 442 na Hired-On-The-Spot (HOTS) jobseekers sa malawakang job fair activity sa rehiyon ng Department of Labor and Employment (DOLE) noong nagdaang Araw ng Kalayaan (June 12, 2026), umabot sa 150 ang natukoy na kwalipikadong tumanggap ng karagdagang pinansyal na suporta sa ilalim ng Employment Facilitation (EF) Track ng kanilang Sustainable Livelihood Program (SLP).
Kung maaalala, batay sa datos na ibinahagi ng DOLE, sa nabanggit na aktibidad, mayroong 137 na employers ang nakiisa at nag-alok ng trabaho sa 2,697 registered jobseekers na nagbakasakaling makuha ang inaasam nilang trabaho sa anim na job fair sites sa Region 1.Bilang pakikiisa dito, ang DSWD Field Office 1 – Ilocos Region Sustainable Livelihood Program (DSWD FO 1 SLP) ay nagtalaga ng kanilang mga kawani sa bawat lugar ng job fair upang isailalim sa masusing assessment ang mga hired-on-the-spot (HOTS) na jobseekers.
Kaugnay nito, umabot sa 237 na HOTS ang naisalalim sa proseso ng assessment at mula dito ay natukoy ang 150 na bagong empleyadong kwalipikadong makakuha ng halagang Php 7,000 na dagdag suporta para sa pagproseso ng mga kinakailangan pa nilang dokumento.ibinahagi rin ng DSWD Regional Field Office 1 – Ilocos Region na sa kabuuang bilang ng hired-on-the-spot (HOTS) sa buong rehiyon sa nakalipas na job fair, labing-dalawa (12) dito ang dating 4Ps monitored children at kasama sa mga kwalipikadong tatanggap ng nabanggit na tulong pinansyal.
Ayon sa tanggapan, ito ay patunay na hindi nagtatapos sa 4Ps Graduation ang pagtulong ng DSWD sa mga benepisyaryo ng nasabing programa, bagkus ay hanggang sa makahanap ang mga ito ng trabaho at tuluyan nang makatawid sa kahirapan.
📷 DSWD Field Office 1 – Ilocos Region