Opisyal nang pinasinayaan ngayong July 1 ang mga bagong kagamitan at laboratoryo sa Regional Heart Center ng Bicol Regional Hospital and Medical Center o BRHMC. Kabilang dito ang 128-slice CT Scan at ang bagong Cardiac Catheterization Laboratory na may mga modernong kagamitan para sa heart surgery.

Ayon kay Dr. Arbel Perete, Head ng Specialty Center ng BRHMC, kaya na ng bagong Cardiac Catheterization Laboratory na magsagawa ng iba’t-ibang uri ng procedure gaya ng angiogram, angioplasty, vascular coiling para sa brain aneurysm, fistula surgery, at iba pa. Aniya, malaking tulong ang bagong pasilidad dahil marami ang kanilang isinasagawang procedure para sa mga pasyente sa rehiyon. Dagdag pa niya, naisakatuparan ang state-of-the-art na pasilidad sa tulong ng AKO Bicol Partylist.
Samantala, sinabi ni BRHMC Medical Center Chief Dr. Eric Raymond Raborar na makatutulong ang mga bagong kagamitan at karagdagang laboratoryo upang mabawasan ang mahabang pila ng mga pasyente. Aniya, ito rin ang pinakabago at pinakamodernong Cardiac Catheterization Laboratory sa buong bansa.
Ayon naman kay DSWD Bicol Policy and Plans Chief Marc Gemro B. Bellena, handa ang ahensya na magbigay ng financial assistance sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situation o AICS para sa mga kwalipikadong pasyenteng sasailalim sa surgery sa Regional Heart Center sa ilalim ng medical hospitalization.
Gayunman, nilinaw niyang nakadepende sa pangangailangan at sitwasyon ng bawat pamilya o indibidwal ang maaaring ipagkaloob na tulong.
Samantala, sinabi ni Ako Bicol Partylist Representative Alfredo Garbin na patuloy nilang isusulong ang mga pangangailangan ng mga Bikolano, lalo na sa larangan ng kalusugan. Aniya, bunga ng prayoridad ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kalusugan at edukasyon, naisulong nila sa budget deliberations ang pangangailangan ng BRHMC para sa mga makabagong kagamitan, at ipagpapatuloy nila ito sa mga susunod na deliberasyon.