Matagumpay na ipinamahagi ng Kagawaran ng Pagsasaka sa Ilocos ang kabuuang ₱406,504,653.00 halaga ng mga interbensyong agrikultural para sa mga magsasaka sa iba’t ibang distrito ng Pangasinan noong ika- 25-26 ng Hunyo, 2026.
Layunin ng malawakang pamamahaging ito na maitaas ang produksyon at ani ng mga sakahan at maibsan ang hirap sa sakahan ng mga lokal na magsasaka ng lalawigan.

Nagsimula ang pamamahagi noong umaga ng Hunyo 25, 2026, sa DA-Pangasinan Research and Experiment Center sa bayan ng Sual, Pangasinan, para sa mga benepisyaryo mula sa Una at Ikalawang Distrito.
Personal na dinaluhan ang aktibidad nina Dr. Marvin G. Quilates mula sa DA-RFO I, Ms. Rona Frianeza mula sa Office of the Provincial Agriculturist (OPAG), at G. Jojit Aquino na kinatawan ni Kongresista Mark Cojuangco ng Ikalawang Distrito.
Ginanap din sa hapon ng parehong araw ang pamamahagi para naman sa ikatlong (3rd) Distrito na isinagawa sa DA-PREC Sta. Barbara kasama pa rin sina Dr. Quilates, G. Jordan Junio ng OPAG at Konsehal Jessica Gueco ng Malasiqui na kinatawan naman ni Kongresistang Rachel Arenas.
Ipinagpatuloy ang aktibidad noong Hunyo 26, 2026, sa DA-PREC Sta. Barbara para naman sa mga magsasaka mula sa Ika-apat (4th), Ika-lima (5th), at Ikaanim (6th) na Distrito ng Pangasinan.
Dumalo upang magpakita ng suporta sina Dr. Quilates, G. Junio, at Atty. Gerald Tabadero na kinatawan ni Kongresista “Manay” Gina De Venecia.
Kabilang sa mga tulong at makinaryang ipinamahagi sa mga benepisyaryo ang mga garden tools at mga binhing gulay bilang suporta sa programang Gulayan sa Paaralan at Gulayan sa Bayan. Kabilang din sa mga naipamigay ay ang mga plastic crates, shredders, binhi ng mais, mga pataba (fertilizers), hand tractors, pump and engine sets at iba pa.
Ang mga kagamitang ito sa sakahan ay inaasahang magpapagaan sa trabaho sa bukid at magpapadami ng ani ng mga magsasaka upang masiguro ang sapat na supply ng pagkain sa buong lalawigan. | ulat ni Leslie Gemino | RP Tayug
📷 Department of Agriculture Ilocos Region