Binigyang-diin ni Negros Occidental 3rd District Representative Javier Miguel “Javi” Benitez ang kahalagahan ng balanseng regulasyon sa teknolohiya sa ginanap na 2nd MAP x KPMG Technology Summit.
Sa ilalim ng temang “AI at Scale: Driving Value with Governance and Security,” hinarap ni Benitez ang humigit-kumulang 300 delegado na binubuo ng mga lider ng negosyo, policy makers, at mga eksperto sa teknolohiya upang talakayin ang panukalang “Artificial Intelligence Development and Regulation Act.”
Si Benitez ang kasalukuyang namumuno sa Technical Working Group (TWG) para sa AI sa ilalim ng House Committee on Information and Communications Technology.
Sa kanyang talumpati, ipinaliwanag ng mambabatas na ang pag-unlad ng ekonomiya ay dapat sumabay sa mabilis na pagbabago ng teknolohiya.
Isa sa mga pinakatampok na bahagi ng diskusyon ay ang mga estratehiyang nakapaloob sa draft ng batas kabilang ang pagtatatag ng Philippine AI Commission na ilalagay sa ilalim ng Department of Information and Communications Technology (DICT).
Bagamat pinag-aralan ng TWG ang mga internasyonal na framework at pamantayan sa ibang bansa, nilinaw ni Benitez na hindi ito basta kinopya. Sa halip, ito ay maingat na ibinagay sa lokal na konteksto at pangangailangan ng Pilipinas.
Binigyang-diin ng mambabatas na ang binuong draft ay nakasandal sa mga kasalukuyang institusyon sa bansa at dumaan sa masusing pagsusuri upang matiyak na ito ay papasa sa anumang hamong legal o konstitusyonal.
