Kahit 10 taon na ang nakakalipas mula nang ilunsad ang war on drugs ng nakaraang administrasyon, nangangamba pa rin ang ang ilang kaanak ng mga biktima at mga residente ng ilang komunidad na maulit ang mga pagpatay.
Ngayong araw, July 3, ay naghain ng Manifestation and Urgent Motion for Resolution ang ilang kamag-anak ng drug war victims kaugnay ng kanilang petisyon para sa Writ of Amparo sa Korte Suprema,
Sinabi ni Atty. Gilbert Andres, abogado ng mga kaanak ng mga biktima ng war on drugs, na panahon na upang desisyunan ng Kataas-taasang Hukuman ang kanilang petisyon at ideklarang labag sa Konstitusyon ang implementasyon ng war on drugs.
Ayon kay Andres, hindi pa rin binabawi ng Philippine National Police ang Command Memorandum Circular (CMC) No. 16-2016 o ang Project Double Barrel o ang istratehiya ng administrasyong Duterte sa kampanya laban sa iligal na droga na maaari pa rin umanong gamitin sa panahon ngayon at posibleng maging depensa ng mga pulis sa mga kaugnay na kaso.
2017 pa anila inihain ang petisyon para sa Writ of Amparo upang mabigyan ng proteksiyon ang mga kaanak ng mga biktima at mga residente ng mahigit 20 komunidad na naapektuhan ng mga operasyon kontra droga.