Nanawagan si Bohol Third District Representative Kristine Alexie Tutor na palawakin ang oportunidad para sa mga lokal na negosyante at maliliit na producer na maipasok ang kanilang mga produkto sa malalaking pamilihan at export markets.
Ito ang iginiit ni Tutor kasabay ng paggunita ngayong November 4 sa ika-130 anibersaryo ng kapanganakan ni dating Pangulong Carlos P. Garcia, na nagsulong ng Filipino First Policy.
Ayon kay Tutor, nananatiling mahalaga ang adbokasiya ni Garcia na palakasin ang mga negosyong Pilipino at bigyang-prayoridad ang mga produktong lokal.
Kasabay nito, hinimok niya ang Department of Trade and Industry o DTI na palawakin ang suporta sa micro, small and medium enterprises o MSMEs, partikular sa pagtulong na matugunan ang mga pamantayan sa kalidad, packaging, certification at kapasidad sa produksyon.
Mahalaga aniya ang pagtulong sa mga negosyante na makahanap ng mamimili at makakuha ng mga repeat orders kahit tapos na ang mga trade fair.
Binigyang-diin ng kongresista na hindi dapat natatapos sa trade fairs ang suporta ng pamahalaan, kundi dapat matiyak na nagkakaroon ng aktuwal na merkado ang mga produktong Pilipino, kabilang ang mga nagmumula sa mga lalawigan at malalayong komunidad. | ulat ni Kathleen Forbes