Screengrab DPWH
Pinamamadali ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang konstruksyon ng bago at mas matibay na Aliog Bridge sa Tabuk City, Kalinga, na target matapos ngayong Oktubre.
Layunin ng proyekto na matiyak ang kaligtasan ng mga motorista at mapabilis ang biyahe ng mga sasakyang nagdadala ng pagkain, essential goods, at iba pang produkto sa mga komunidad.
Ayon kay Public Works Secretary Vince Dizon, nagpadala na ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng karagdagang tauhan at equipment upang mapabilis ang konstruksyon ng bagong tulay.
Papalitan ng proyekto ang halos 60-taong gulang na Aliog Bridge, na limitado na lamang sa light vehicles at kasalukuyang nasa one-lane stop-and-go scheme dahil sa sira sa bahagi ng tulay.
Sinabi ni Dizon na hindi na kaya ng lumang tulay ang mabibigat na sasakyan kaya napipilitang umikot sa mas malalayong ruta ang mga truck na naghahatid ng pagkain at iba pang pangunahing produkto.