Photo courtesy of DEPS-Manila
Tinatayang 40 tonelada ng basura ang nakolekta sa Liwasang Bonifacio sa nakalipas na 24 oras.
Ayon kay Department of Environment and Public Services Director Kenneth Amurao, umabot sa 13 truck ang nahakot na basura mula kahapon (July 2) ng madaling araw hanggang kaninang umaga (July 3).
Karamihan sa mga nakolekta ay mga pinagkainan at lalagyan ng inumin mula sa mga nagtipon sa lugar.
Matatandaang nagprotesta noong Martes ng umaga ang mga kasapi ng Iglesia ni Cristo sa Liwasang Bonifacio, na sinundan ng mga raliyista mula Batangas pagsapit ng hapon.
Bumalik din kahapon ng madaling araw ang mga kasapi ng INC para sa maghapong programa.
Ayon kay Amurao, tuluyan nang nalinis ang Liwasang Bonifacio matapos isailalim sa flushing o paglilinis gamit ang tubig.