Nais ni Senador JV Ejercito na pondohan ang makabagong bird dispersal devices para maiwasan ang bird strike sa mga paliparan.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Services, nagpahayag ng pagkabahala si Ejercito matapos ibunyag ng mga opisyal ng aviation na umabot sa mahigit 900 bird strike incidents ang naitala sa bansa noong 2025.
Ayon sa senador, halos araw-araw na may naitatalang bird strike, na aniya’y seryosong banta sa kaligtasan ng mga pasahero at sa industriya ng aviation.
Lumitaw sa pagdinig na karamihan sa mga insidente ay naitala sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at Davao International Airport dahil sa dami ng operasyon ng mga eroplano sa naturang mga paliparan.
Tinanong naman ni Ejercito ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) tungkol sa kasalukuyang kagamitan nito laban sa panganib ng wildlife.
Ayon sa ahensya, gumagamit pa rin sila ng mga manual na pamamaraan tulad ng laser, flags, gas cannon at mga paputok para paalisin ang mga ibon.
Bilang Chairman ng Senate Committee on Finance, nangako si Ejercito na isusulong ang paglalaan ng pondo para sa pagbili ng mga makabagong acoustic o sonic bird deterrent systems para sa mga paliparang itinuturing na mataas ang panganib sa bird strikes.
Hinimok din ng senador ang CAAP at Department of Transportation (DOTr) na agad magsumite ng komprehensibong cost estimate para sa naturang kagamitan para maisama ito sa panukalang 2027 national budget. | ulat ni Nimfa Asuncion