Naghain ng manifestation at urgent motion for resolution sa Korte Suprema ang pamilya ng mga biktima ng drug war upang hilinging desisyunan na ang Writ of Amparo petition na inihain pa noong 2017.
Hiniling din ng mga petitioner na ideklarang unconstitutional, invalid, illegal, at walang bisa ang war on drugs, partikular ang Command Memorandum Circular No. 16 ng Philippine National Police (PNP).
Ayon sa legal counsel ng pamilya ng mga biktima ng extrajudicial killings na si Atty. Gilbert Andres, mahalagang ideklarang labag sa Konstitusyon ang war on drugs upang hindi na ito maulit.
Sinabi ni Andres na ang Korte Suprema lamang ang may kapangyarihang magdeklara kung labag sa Saligang Batas ang naturang kampanya.
Inihain umano ang Writ of Amparo dahil humihingi ng proteksyon ang mga petitioner para sa kanilang seguridad, karapatang mabuhay, at kalayaan.
Nilinaw din ni Andres na bagama’t maaaring makaapekto sa kaso laban sa dating administrasyon sa International Criminal Court ang anumang deklarasyon ng unconstitutionality, hiwalay ito sa usapin sa Korte Suprema.