Sinabi ni House Prosecutor at Manila Rep. Joel Chua, na asahan na ilalaan ang unang araw ng impeachment trial sa pag-resolba ng mga mosyon at paglalahad ng opening statements.
Ibig sabihin sa unang araw.. wala pang presentasyon ng mga testigo at ebidensya.
Ayon kay Chua..inaasahan nilang magsisimula ang presentasyon ng mga ebidensya sa ikalawang araw ng paglilitis.
Sa isang panayam, inilatag ni Chua ang mga inaasahang proseso simula July 6 habang naghahanda ang Senate Impeachment Court na litisin ang kaso laban sa bise presidente.
Kabilang anya sa kinukunsidera niyang mainit na pagdedebatehan ay ang paglahok ng
parehong public at private prosecutors sa proceedings, pagbubukas sa selyadong kahon mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na naglalaman ng tax records ni Duterte at ng kanyang asawa.
Maaalalang hindi dinesisyunan ng clerk of court ang mga mosyong ito noong pre-trial conference.
Ayon kay Chua.. para sa prosecution team, dapat munang maresolba ang mga mosyong ito bago ang presentasyon ng mga ebidensya at testigo.
Bukod dito, naghain din ang prosekusyon ng mosyon upang payagan ang paggamit ng parehong Ingles at Filipino sa panahon ng paglilitis, lalo na sa cross-examination ng mga testigo.
Ipinaliwanag ni Chua na kadalasang Ingles ang ginagamit sa mga pormal na proseso maliban kung tahasang hiniling ang Tagalog, at may mga interpreter na nakahanda kung kinakailangan. | ulat ni Melany Reyes