Hinamon ni Akbayan Party-list Rep. Perci Cendaña si Senador Rodante Marcoleta na panindigan ang kanyang naunang pahayag na haharapin at hindi tatakasan ang isinampang kasong plunder o pandarambong laban sa kanya.
Sa kaniyang social media post.. hinamon ni Cendaña ang senador, kasunod ng pormal na pagsasampa ng Office of the Ombudsman ng reklamong plunder laban kay Marcoleta.
Nag-ugat ang kaso sa pag-amin ng mambabatas na nakatanggap siya ng P75 milyong donasyon para sa kanyang kampanya na hindi niya idineklara sa kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth(SALN).
Ayon kay Cendaña, dapat maging mapagbantay ang publiko kung tutuparin ni Marcoleta ang binitiwang salita na haharapin ang proseso ng batas, o kung magtatago rin ito oras na magpalabas ang Korte ng warrant of arrest.
Kasabay nito, nagpasaring din ang mambabatas na baka gayahin lamang ni Marcoleta ang ibang mga opisyal na umiiwas sa pananagutan gaya ni VP Sara at Sen. Bato dela Rosa. | ulat ni Melany Reyes