Naglaan ng ₱550 milyon ang Department of Agriculture (DA) para sa loob ng dalawang taon upang magtayo ng seed storage facilities sa buong bansa.
Layunin nitong mapalakas ang suplay ng de-kalidad na binhi at maprotektahan ang agrikultura laban sa epekto ng pabago-bagong klima.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., itatayo ang mga pasilidad sa lahat ng rehiyon upang maiwasan ang kakulangan ng binhi tuwing may kalamidad at supply disruption.
Maglalaan ang pamahalaan ng ₱250 milyon sa 2026 at ₱300 milyon sa 2027 para sa proyekto, na ipamamahagi sa mga pangunahing agricultural areas sa bansa.
Ang Pilipinas, na madalas tamaan ng bagyo at lindol, ay target na matiyak ang tuloy-tuloy na suplay ng binhi sa pamamagitan ng mga pasilidad na ito.
Sa Bureau of Plant Industry sa Quezon City, mayroon nang upgraded storage facility na kayang mag-imbak ng hanggang 9,000 sako ng binhi at gumagamit din ng solar power para sa operasyon.
Ayon pa kay Laurel, makatutulong ito sa pagbuo ng mas matatag at mas episyenteng seed supply system sa bansa.