Photo Courtesy: DOLE
Pinalalakas ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pakikipagtulungan sa iba’t ibang labor at employment stakeholders sa SOCCSKSARGEN upang mapaigting ang wage policy, employment services, at job facilitation sa rehiyon.
Sa pagbisita ni Labor Secretary Francis Tolentino sa General Santos City, nakipagpulong siya sa Regional Tripartite Wages and Productivity Board XII, League of PESO Managers, at Network of Career Guidance Counselors and Advocates.
Tinalakay sa pagpupulong ang pagpapalakas ng labor market governance, workforce development, at paglikha ng mas maraming oportunidad sa trabaho.
Inihayag din ng RTWPB XII ang pakikipagtulungan nito sa mga academic institutions para sa pananaliksik na magsisilbing batayan sa data-driven wage setting, kasabay ng inilatag na iskedyul para sa susunod na regional wage review.
Binigyang-diin din ng kalihim ang kahalagahan ng mas malapit na ugnayan ng pamahalaan, industriya, at akademya, pati ang pagpapalakas ng career guidance at employment services, lalo na para sa kabataan.
Plano rin ng DOLE na isulong ang pagkakaroon ng permanenteng Public Employment Service Offices bilang bahagi ng pamantayan sa Seal of Good Local Governance.
Ayon sa kagawaran, mahalaga ang mas matatag na kooperasyon upang maisulong ang inklusibong trabaho at mas episyenteng labor market sa SOCCSKSARGEN.