Photo courtesy : COMELEC
Binigyang babala ng Commission on Elections (COMELEC) ang publiko laban sa mga mapanlinlang na email na nagpapanggap na mula sa ahensya at humihingi ng personal at sensitibong impormasyon.
Ayon sa COMELEC, may kumakalat na email na gumagamit ng address na comelec.infoupdate@protonmail.com, na hindi umano opisyal na email ng komisyon.
Nilinaw rin ng poll body na wala itong Stakeholders Relations Division at wala ring direktor o kawani na nagngangalang Atty. Maria Carmela B. Gonzales.
Ipinaalala ng COMELEC, na ang lahat ng opisyal nitong email ay gumagamit lamang ng @comelec.gov.ph na domain.
Pinayuhan din ang publiko na huwag agad mag-click ng anumang link mula sa kahina-hinalang email dahil maaaring isa itong phishing scam na naglalayong makuha ang personal na impormasyon ng mga biktima.
Hinikayat ng COMELEC ang publiko na panatilihing ligtas ang kanilang personal na impormasyon at makipag-ugnayan lamang sa komisyon sa pamamagitan ng mga opisyal nitong tanggapan at email address na nakalista sa opisyal na website nito.