Patuloy na ipinatutupad ng Department of Energy (DOE) ang Fuel Subsidy Program para sa mga public utility vehicle (PUV) upang makatulong na mapagaan ang gastusin sa krudo ng mga tsuper.
Sa ilalim ng whole-of-government program na binuo katuwang ang Department of Transportation (DOTr), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Department of Information and Communications Technology (DICT), at Land Bank of the Philippines, makatatanggap ang mga kwalipikadong tsuper ng P10 na diskwento sa bawat litro ng diesel. May limitasyong hanggang 150 litro kada linggo, na katumbas ng tinatayang P1,500 na matitipid sa kanilang gastusin sa krudo.
Ayon sa DOE, layunin ng programa na mabawasan ang operational costs ng mga PUV driver at matulungan silang mapanatili ang kanilang araw-araw na kita sa kabila ng patuloy na pagtaas at pagbabago ng presyo ng langis.
Sa kasalukuyan, mahigit 2,000 gasolinahan sa buong bansa ang kalahok sa Fuel Subsidy Program, na nagbibigay ng mas malawak at mas madaling access sa benepisyo para sa mga kwalipikadong PUV driver.