Courtesy: Wimbledon/ Facebook
Nakikiisa ang Department of Tourism (DOT) sa buong bansa sa pagbati kay Alex Eala matapos nitong makapagtala ng makasaysayang panalo sa Wimbledon at umabante sa susunod na yugto ng torneo.
Sa mensahe ng DOT, pinuri nito ang ipinakitang tapang, determinasyon, at husay ni Eala sa isa sa pinakamalalaking tennis tournament sa mundo. Ayon sa ahensya, patuloy na nagbibigay-inspirasyon ang atleta sa mga Pilipino at pinatutunayang walang hangganan ang mga pangarap basta’t may sipag, tiyaga, at dedikasyon.
Samantala, ibinahagi rin ng British Embassy Manila na mahigit dalawampung taon nang sa Mariveles, Bataan ginagawa ang mga Slazenger tennis balls na ginagamit sa Wimbledon. Dahil dito, hindi lamang si Eala ang kumakatawan sa Pilipinas sa prestihiyosong torneo, kundi maging ang produktong lokal na bahagi ng bawat laban sa ibang bansa.