Pinagana na ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang binuong task group para tiyakin ang seguridad sa unang araw ng impeachment trial kay Vice President Sara Duterte sa Senado.
Sa pulong balitaan sa Kampo Crame, sinabi ni PNP Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., bahagi ito ng ikinasa na nilang security operations plan para sa naturang proceedings.
Ayon kay Nartatez, may sinusunod na silang security template para sa ganitong mga okasyon at kanila na lamang itong pinag-iibayo sa paglaon ng mga araw.
Bukod sa pagpapakalat ng mahigit 6,000 pulis kabilang na ang mga naka-deploy sa Senate Complex, mayroon ding nakakalat na Civil Disturbance Management Units para magsilbing standby force.
May mga naka-install na ring CCTV camera sa mga tukoy nang lugar habang nakikipag-ugnayan na rin ang PNP sa ilang ospital para sa emergency response kung kinakailangan.