“The judiciary does not decide on cases based on political affiliations, public opinion, public pressure or the passions of the moment”
Ito ang binigyang-diin ni Sandiganbayan 3rd Division Chairperson Associate Justice Karl Miranda sa isang pambihirang pahayag sa media kaugnay ng kasong dinidinig ng korte.
Ayon kay Justice Miranda, nagpasya siyang magsalita dahil sa matinding interes ng publiko sa kaso at para maiwasan ang pagkalat ng haka-haka habang nagpapatuloy ang legal na proseso.
Aniya, iisa lamang ang tungkulin ng Sandiganbayan—ang alamin ang katotohanan at magpasya batay sa Konstitusyon, umiiral na batas, at mga ebidensyang ihaharap sa korte, at hindi dahil sa impluwensya ng pulitika, public pressure o bugso ng damdamin.
Nanawagan din si Miranda sa publiko, na magtiwala sa hudikatura at hayaang gampanan nito ang mandato na gawing maayos na prosesong legal ang mga alitan at mapanatili ang kaayusan sa lipunan.
Kasabay nito, tiniyak ng mahistrado na handa ang Sandiganbayan na dinggin ang ano mang kasong ihahain ng Office of the Ombudsman laban sa sino mang opisyal ng pamahalaan.
“We see you, we hear you, we understand you. The Court will do its duty and render justice by acquitting the innocent and holding the guilty accountable. That is our duty,” ani Justice Miranda.
Binigyang-diin pa niya na tungkulin ng hukuman na maghatid ng katarungan sa pamamagitan ng pagpapawalang-sala sa mga inosente at pananagot sa mga mapatutunayang nagkasala, alinsunod sa batas at ebidensya.