Mariing pinabulaanan ng House Prosecution Panel ang alegasyon ng legal team ni Vice President Sara Duterte na nagsasagawa lamang sila ng “fishing expedition” sa impeachment case.
Sa press conference sa Senado, binigyang-diin ni House Prosecutor Chel Diokno na hindi kailanman nagsagawa ng “fishing expedition” ang Kamara, mula sa clarificatory hearing ng House Committee on Justice hanggang sa kasalukuyang paglilitis sa Senado.
Tugon ito ni Diokno sa naging opening argument ni Lead Defense Counsel Sheila Sison, kung saan inakusahan nito ang Kamara ng pagdaraos ng “mini-trial” at paghahanap ng butas bago pa man maihain ang Articles of Impeachment.
Ayon kay Diokno, maling ituring na “fishing expedition” ang ginawang pagsisiyasat.
Dagdag pa niya, kung hindi nag-imbestiga ang Kamara sa mga naging paglabag ng Bise Presidente, hindi hahantong sa kasalukuyang konstitusyonal na proseso ng impeachment.
