Photo courtesy of Bureau of Customs
Nagpulong ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at environmental groups para talakayin ang susunod na hakbang kaugnay ng e-waste shipments sa Subic Bay Freeport.
Pinangunahan ng Bureau of Customs (BOC) ang inter-agency meeting na tumutok sa legal, regulatory, at policy options para maresolba ang isyu.
Dumalo sa pulong si Customs Commissioner Ariel Nepomuceno, iba pang opisyal ng BOC, at mga kinatawan ng Subic Bay Metropolitan Authority, Department of Environment and Natural Resources, Office of the Solicitor General, EcoWaste Coalition, BAN Toxics, at iba pang concerned agencies.
Napagkasunduan ng mga kalahok na magsumite ng kani-kanilang position papers para sa mas komprehensibong pagsusuri sa mga posibleng aksyon.
Hinimok din ang mga ahensya na ipagpatuloy ang kani-kanilang regulatory functions habang nakabinbin ang legal proceedings.
Tiniyak ng BOC na magpapatuloy ang koordinasyon ng mga ahensya at environmental groups hanggang makamit ang malinaw at naaayon sa batas na resolusyon para sa environmental protection at responsible waste management.