Ibinida ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) na nanatili ang zero overdue record nito sa lahat ng regulatory applications sa Central Office at mga regional office nito sa loob ng tatlong magkakasunod na linggo.
Bahagi pa rin ito ng Zero Backlog Program sa ilalim ng 8-Point Agenda ni DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling na layong pabilisin ang pagproseso ng mga aplikasyon sa ahensya at maalis ang delay sa serbisyo.
Kabilang sa mga sakop ng programa ang pagproseso ng Certificates of Registration at Licenses to Sell na kinakailangan ng mga private developer bago makapagtayo at makapagbenta ng subdivision at condominium project.
Matatandaang iniutos ni DHSUD Secretary Aliling ang internal audit at mas mahigpit na pagbabantay sa mga regional office, na naging daan upang mapabilis ang pagproseso ng mga naiwang aplikasyon.
Ayon sa kalihim, sa tulong ng mas mabilis na proseso, mapapabilis din ang pagpapatayo ng mas maraming pabahay, lalo na sa ilalim ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program ng administrasyon.