Photo courtesy of Regine Velasquez-Alcasid
Isang makasaysayang pagtatanghal ang naghihintay sa mga tagahanga ng Asia’s Songbird na si Regine Velasquez-Alcasid. Matapos ang apat na dekada ng pagbibigay-buhay sa Original Pilipino Music (OPM), inanunsyo ni Regine ang kaniyang huling major solo concert na “FINALE,” na gaganapin sa October 17 at 18, 2026 sa SM Mall of Asia Arena.
Ayon kay Dadalhin hitmaker, ang “FINALE” ay magsisilbing pagdiriwang sa 40 taong matagumpay niyang karera sa industriya ng musika.
Gayunman, binigyang-linaw niya na hindi ito nangangahulugan ng tuluyan niyang pagpapaalam sa entablado at pag-awit, kundi pagtatapos lamang ng isang malaking yugto ng kaniyang concert journey.

Sa loob ng apat na dekada, naging bahagi na ng buhay ng maraming Pilipino ang mga kanta ni Regine tulad ng “Narito Ako,” “Pangako,” at “Ikaw.” Dahil dito, nananatili siyang isa sa mga pinakatinitingala at pinakamahahalagang mang-aawit sa kasaysayan ng OPM.
Bilang pasasalamat sa walang sawang suporta ng kaniyang mga tagahanga, inanunsyo rin na magiging libre ang pagtatanghal sa October 18, 2026, ang ikalawang gabi ng concert. Layunin nitong mabigyan ng pagkakataon ang mas maraming fans na personal na masaksihan ang pagdiriwang ng apat na dekadang music career ng Asia’s Songbird.

Sa isang post sa X, ibinahagi rin ni Regine ang kaniyang pananabik para sa nalalapit na concert at nakiusap sa mga tagahanga na may kakayahang bumili ng ticket.
“Ang pakiusap lang namin sana sa mga nakakaluwag ibigay na natin ‘yung free night dun sa mga hindi talaga makabili ng tickets. Para naman sa mga nangarap mapanood ako [nang] live [at] mabigyan sila ng pagkakataon makita ako,” aniya.
Ayon sa inilabas na anunsyo, magsisimula ang registration para sa concert tickets sa July 30, 2026, 6:00 PM, sa SM Tickets outlets. Ang kumpletong mechanics ay makikita sa opisyal na social media pages ni Regine Velasquez at ng iMusic Entertainment Inc.
Ang “FINALE” ay hindi lamang pagdiriwang sa makulay na apat na dekadang karera ni Regine Velasquez-Alcasid, kundi isa rin itong pagkakataon para espesyal na pasalamatan ang mga tagahangang naging bahagi ng matagumpay na paglalakbay sa musika ng Asia’s Songbird.